King Richel Kirsten R. DLSU Kaspil1 L81 Marso 16, 2009
Ang Pag-iisa ng Simbahan at Pamahalaan
“Power corrupts.”
May tatlong dahilan ang pagdating at pananakop ng mga Kastila sa Pilipinas – God, Glory at Gold. Kung susuriing mabuti, iisa lang ang tunay nilang pakay – kayamanan. Ang karangalan ay matatamo sa pagiging mayaman, at ang relihiyon ang naging daan upang masamsam ang kayamanan ng Pilipinas. Hindi rin maisasatabi na kapag ang isang tao ay may kapangyarihan, maari itong magamit sa maling paraan upang makuha ang sariling mga kagustuhan. Ito ang nangyari sa Pilipinas noong panahon ng Kastila, at hanggang ngayon sa ating pamahalaan.
Ang gobyerno noon ay pinamumunuan ng mga Kastila at ang kanilang pakay ay ang masamsam ang likas na yaman ng bansa, pati na rin ang mga serbisyo ng mga Pilipino. Halimbawa ng mga kapangyarihan ng pamahalaan ay ang pagkuha ng buwis o reales, kapangyarihang militarya, pagpapatakbo ng ekonomiya at paglalagay ng mga Kastilang opisyal upang magpatakbo ng bansa. Magiging maganda sana ito kung ang mga ipinapadalang opisyal sa bansa ay mga mahuhusay, edukado at may malasakit sa mga Pilipino. Ngunit ang mga pinadala sa bansa ay ang mga patapon ng Espanya. Sila ang mga kriminal. Sila ang mga walang alam sa pamamalakad ng isang bansa. Malaki ang nakukuha ng mga Kastilang opisyal sa mga buwis. Marami rin ang naapi sa pagsamsam ng lupain at sapilitang paggawa. Ang monopolyo – pagbebenta ng produktong Pilipino sa mga Kastila sa mababang halaga at pagkatapos ay pagbebenta muli ng mga Kastila sa mga produkto sa mababang halaga – ay isang halimbawa kung paano nagpakayaman ang mga Kastila sa Pilipinas.
Ang simbahan naman noon ay hindi rin naiiba sa uri ng pamahalaan. Bagamat hindi lahat ng mga prayle ay masasama, hindi makakaila na ang indulhensya na hindi naaayon sa Bibliya, ay ginamit ng mga Kastila upang manakawan ang mga Pilipino. Ang sedula pernal ay ginamit upang makakuha ng salapi ang mga prayle para sa konbersyon ng mga katutubong indiyo sa Kristyanismo. Marami ring mga prayle noon ang nanggahasa ng mga kababaihan – taliwas sa kanilang tinuturong paggalang sa pagkatao ng isang nilalang.
Ngunit sa lawak ng kapangyarihan nila noon, bakit pa nga ba mag-iisa ang pamahalaan at ang simbahan? Tulad ng aking sinabi, ang relihyon ang naging daan upang magpakayaman ang mga Kastila, kabilang na ang simbahan at mga politiko. Ang pagsasama ng dalawang malalaking kapangyarihan ay nagresulta sa mas malaki pang kapangyarihan at katiwalian. Ngunit hindi dapat makalimutan na bagamat malaki nga ang kapangyarihan ng gobyerno, mas malaki parin ang impluwensya ng simbahan sa lahat ng bagay-bagay dahil kung tutuusin ay mas pinapahalagahan naman talaga ng mga tao ang kanilang mga kaluluwa at relasyon sa Diyos. Kailangan ng simbahan ang pamahalaan upang mayroon silang pinuno at kailangan ng pamahalaan ang simbahan upang makuha ang mga puso ng mga Pilipino at lalo pa silang manakawan. Makikitang ang pagsanib pwersa ng simbahan at ng pamahalaan ay isang “win-win” situation sapagkat pareho silang nakinabang dito na katumbas ng lalo pang pag-aapi ng mga Pilipino.
Ang simbahan ay hindi lang isang relihiyosong organisasyon. Ito ay may malaking impak sa lipunan sapagkat ito rin ang nagsusuri ng mga libro, nakakapagsalita at nakakaintindi sa Wikang Tagalog at higit sa lahat ang nakikipag-ugnay sa mga Pilipino at nagsasabi kung ano ang mga dapat nitong gawin. Ang simbahan din ay may kapangyarihang pulitikal. Ang KulturKampf ng Alemanya noong 1871 hanggang 1878 ni Chancellor Otto Van Bismarck ay isang polisiya na nagbababawas ng kapangyarihan ng simbahan sa politiko. Ngunit pinagpilitan parin ng simbahan upang muling maitaguyod nito ang kanyang politikal na kapangyarihan. Ayon kay Teodoro Agoncillo, isang Pilipinong historian mula sa Unibersidad ng Pilipinas, ang pagsasama ng pamahalaan at simbahan ay naging isang malaking pwersa na nagpadali sa pananakop ng mga indiyo. Ang pananakop ni Legazpi noong 1565 ay matagumpay dahil mayroon silang prayleng si Andres de Urdaneta na tumulong sa pagkontrol ng mga indiyo. Ang simbahan ang humahawak ng edukasyon tulad ng Unibersidad ng Santo Tomas. Sila ang kumakadena sa mga Pilipino sapagkat ginagamit nila ang pulpito at ang pangunumpisal upang impluwensyahan ang mga galaw ng mga Pilipino. Noong panahon ng rebolusyon, pinayagan ng gobyerno na hawakan ng simbahan ang komunikasyon, depensa at mga posisyon sa munisipyo. Nagresulta ito sa pang-aabuso ng kapangyarihan. Marami ang nagalit sa simbahan.
Noong 1899 pa lamang ay hiniwalay na ang pagsasama ng simbahan at pamahalaan, alinsunod sa mungkahi ni Apolinario Mabini. Ngunit pormal na naisualat sa ating konstitusyon ang paghihiwalay ng dalawa sa 1973 konsitusyon kung kalian mayroon nang sariling gobyerno ang Pilipinas. Hanggang ngayon ay dala pa rin natin ang kulturang makapangyarihan ang simbahan. Bagamat hiwalay nga ang simbahan at pamamahalaan ayon sa konstitusyon, ang mga tao parin ay nakikinig sa simbahan at binibgyan ito ng suporta. Halimbawa nito ay ang pagiging pangulo ni Corazon Aquino dahil narin sa tulong ng simbahan. Gumawa ng bagong konstitusyon si Aquino at naging malaking impluwensya muli ang simbahan dito. Sina Sr. Christine Tan, isang madre, Fr. Joaquin Bernas at Bishop Teodoro C. Bacani ay pumapel sa pagsusulat ng 1986 Konstitusyon. Tuwing lumalapit ang eleksyon, tila ang mga kandidato ay nakikimisa sa iba’t-ibang relihiyon upang makuha ang loob ng mga tao.
Sa panahon natin na lahat ay nagiging liberal at taliwas sa moral na kaugalian, nagiging sandigan ang simbahan upang mapabuti ang mga tao. Naging daan man ang dating pagsasama ng pamahalaan at simbahan upang makinig ang mga tao sa salita ng Diyos, sa aking palagay ay hindi naman “justified” ang lahat ng kalapastangang ginawa ng simbahan at pamahalaan sa mga Pilipino upang magpasalamat tayo na hanggang ngayon ay sinsuportahan parin natin ang simbahan, gaano man ito kalinis ngayon kumpara noon.